Tuesday, September 18, 2018

sa limang araw na magkasama tayo,
madalas, naisip ko,
paano kaya kung hawakan ko ang kamay mo?

pupunan kayang kusa ng mga daliri mo
ang puwang sa pagitan ng mga daliri ko?
hindi ka kaya maaasiwa
kung bahagyang mabasa
ng pawis ang palad mo,
pasensya na, kabado lang talaga ako

paano kaya
kung bigla kong hawakan ang kamay mo,
at hilahin ka papunta sa mundo ko?
hahayaan mo kayang sumunod ang mga paa mo--
magpapadala ka kaya
sa bawat yapak na tatahakin ko?

sasamahan mo kaya ako,
dalawa tayong,
magtutuklas, maliligaw, at maliligaw pang lalo
dahil alam mo kung gaano ako ka-hina sa daan,
tutulungan mo kaya akong makarating sa dapat puntahan?

sa limang araw na magkasama tayo,
madalas, naisip ko,
pwede ko kayang hawakan ang kamay mo?
kabado ako,
pero kaya kong maging matapang
para sa'yo.

No comments:

Post a Comment

Please let me know if I somehow touched your heart. It will be really awesome! thanks. :)