Naggising ako sa marahang katok ng ulan sa bintana
Ito lang marahil ang paggising na hindi ko kaiinisan
naputol ang tulog ko, ang panaginip ko,
dahil sa ulan--
Pero dumilat akong may kislap sa mga mata,
may ngiti sa mga labi na hndi pinilit,
bagkus kusa.
Pagkatapos dumating ka.
Napatayo ako nang marinig kita
Sa labas ng bahay nandoon ka--
Sakay ng motorsiklo mong gumigising sa espaltong basa.
Nandoon ka... Pero hindi ka bumaba.
Nanatili kang sakay ng motor.
Tanaw ko ang damit mong basa sa ulan,
Ang sapatos mong balot ng putik,
At ang mukha mong basa ng tubig at luha.
Naghalo
Pero hindi maitago.
Kitang kita ko, mula sa bintana,
Ang hirap mo.
Pero hindi ka nagsalita.
Hindi ka kumatok.
Umalis ka lang...
Pinaharurot ang motorsiklo,
Tumalsik ang tubig pa-kaliwa at kanan,
Bumaba ako para buksan ka
Para lang salubungin ng iniwan mong usok.
Hindi ko naintindihan.
Ginising ako ng ulan,
At hindi mo ako pinatulog.
Nandito lang ako-
Ibinulong kasabay ng patak ng ulan.
Ikaw ang pag-ibig na kailanma'y hindi ko kapapaguran.
Ikaw ang katok na parati kong pagbubuksan.
Ikaw ang ulan na darating at aalis,
At laging hihintayin.
Ikaw ang tawag na sasalubungin ng nangingislap na mata, matatamis na ngiti, parati
Nandito lang ako umaraw man o umulan,
Nakatanaw sa'yo
Nakaabang sa pagbalik mo
Sa panahong handa ka nang kumatok muli.
Nandito lang ako.
No comments:
Post a Comment
Please let me know if I somehow touched your heart. It will be really awesome! thanks. :)